Tuesday, October 7, 2014

3 BATAS ng PAGPAPANTIG ng SALITANG TAGALOG


Maraming batas sa pagpapantig.
Lalo na sa wikang Filipino
na halong Tagalog, Espanyol, Ingles, mga dayuhang wika,
at umabot na sa 200 iba pang wika sa Pilipinas.

Ngunit ngayon, pag-usapan lang natin ang 3 batas.
Lahat ng mga ito para sa pagpapantig ng salitang Tagalog.

Handa ka na? Sige, hataw!

1) Unang batas: may isang patinig (vowel) sa bawat pantig (syllable).
At ganoon din, may isang pantig para sa bawat patinig.

Halimbawa:
Ilang pantig ang 'nakababagabag'?
Puwede mong pakinggan ang pagbigkas at bilangin ang palo ng salita.
NA-KA-BA-BA-GA-BAG. Anim na palo. Anim na pantig.

O kaya bilangin mo na lang ang patinig doon.
AAAAAA. Anim na 'a'. Anim na patinig. Anim na pantig.

2) Pangalawang batas: Sa Tagalog, walang kambal-katinig o consonant blends. Ibig sabihin, hindi maaaring may dalawang katinig (consonant) na magkatabi sa isang pantig.

Halimbawa:
Paano mo papantigin ang 'kislap'.
Puwede bang KI-SLAP? Mali. Bakit? Dahil magkatabi ang S at L sa huling pantig.
Ano dapat?
KIS-LAP. Tama na ba? Tama.

Isa pa:
NAGKUPLAS.

NAG-KU-PLAS. Tama ba? Mali uli. Saan nagkamali? Sa huling pantig. Ano ang mali? Magkatabi ang P at L. Bawal iyon. Walang kambal-katinig sa Tagalog. Paano dapat.

NAG-KUP-LAS.

Huli na lang:

NAGBABADYA.

NAG-BA-BA-DYA. Mali. Nasaan? Paano dapat?

NAG-BA-BAD-YA. Wala nang magkatabing katinig. Tama na.

3) Pangatlong batas, huling batas sa ngayon:

Kapag nasa gitna ng dalawang PATINIG (vowel) ang isang KATINIG (consonant), dumidikit ang katinig sa kanan (right). Kasi ito ang right thing to do. Biro lang.

Gawin nating simbulo.

Kung PKP, katinig sa gitna ng dalawang patinig. Saan pupunta ang katinig? Sa kanan.
Kaya magiging P-KP.

Halimbawa:

ASA.
AS-A. Mali. Kasi sa kaliwa dumikit. Masama iyon. Dapat:

A-SA. Sa kanan dumidikit. That's right.

Isa pa:

BABALA. Dalawang katinig iyan na nasa gitna ng patinig.

Paano? BAB-AL-A. Dalawang mali. Nasaan?

Saan didikit ang B? Sa kanan.
Saan didikit ang L? Sa kanan din.
Kaya dapat: BA-BA-LA.

Huling halimbawa:

AKALA.

Ilang katinig ang may patinig sa kaliwa at kanan?
Saan didikit ang K? Sa kanan.
Saan didikit ang L? Sa kanan din.
Kaya dapat: A-KA-LA.

Kaya ito na muna.
Tandaan mo ang 3 batas para sa pagpapantig ng salitang Tagalog.
1) Isang patinig=isang pantig.
2) Walang kambal-katinig.
3) Kapag kailangang mamili ng Katinig ng didikitan, lagi niyang pipiliin ang kanan. Right?


TUGMANG TAGALOG




O pagsintang labis ng kapangyarihan,
sampung mag-aama'y iyong nasasaklaw,
kapag ika'y nasok sa puso ninuman,
hahamaking lahat masunod ka lamang.

Isa ito sa mga pinakasikat na berso ni Balagtas
sa dakilang akdang Florante at Laura.
Kinikilala ang akdang ito na obra maestra ng tulang Tagalog
at halos perpekto sa sukat at tugma.

Nagugulat tuloy ang mga tao kapag napansin nila
ang mga salitang ginamit ng dakilang makata sa panunugma.

Kapangyarihan,
nasasaklaw,
ninuman,
lamang.

Siguradong magkatugma ang 'kapangyarihan' at 'ninuman'.
Pasado na ang 'lamang'.
Pero 'nasasaklaw'?

Bakit iba-iba ang dulong letra?
Puwede naman talaga kung tutusin.
At hindi dahil magkaparehong letra, tugma na.
Mamaya makikita natin.

Sa UP Diksiyonaryong Filipino, ang tugma ay pagkakatulad ng tunog.
Magkatulad. Hindi kailangang eksakto.

Nagbigay si Rizal ng panayam sa Europa
na pinamagatang Tagalische Verskunst
o pagtulang Tagalog.

Doon galing ang pormulang ituturo ko ngayon,
pero mayroon nang kontribusyon ng mga guro at estudyanteng nauna na sa iyong mag-aral nito.

May 4 na pangunahing uri ng tugma.

1) tugmang patinig na WALANG IMPIT

Halimbawa:

siya
niya
ka
sinta

O kaya:

mo
ako
sino
tribo

O kaya:

babae
lalaki
sinabi
presidente

Malalaman mong walang impit ang isang salita kung kaya mo itong bigkasin nang may “h” sa dulo.
Halimbawa: sintah, sinoh, babaeh.

Pansinin din na kailangang iisa ang patinig na gamit. Tugma ang 'ako' at 'sino'. Pero hindi ang 'ako' at 'sinabi'.

2) Tugmang patinig na MAY IMPIT.

Halimbawa:

tugmâ
batà
walâ

O kaya:

larô
pusò
sundô

O kaya:

lahì
labì
sukì

May impit ang isang salita kung hindi ito mabibigkas nang may 'h' sa dulo.
Subukin mo: lahi, puso, bata. Hindi kaya.

Pansinin na kahit magkaparehong titik ang may impit at walang impit, hindi pa rin sila magkatugma.
Halimbawa, pakinggan mo lang: 'tugma' at 'saya'. O kaya 'babae' at 'labi'. Hindi magkatunog. Hindi magkatugma.

Kung naaalala mo pa ang tungkol sa pagtutuldik, para sa iisang patinig, magkatugma ang malumay at mabilis. Magkatugma naman ang malumi at maragsa.

3) Tugmang KATINIG (consonant) na BKDGPST.

Halimbawa:

hubad
salat
paglingap
anak

isip
pag-ibig
titik
dibdib

loob
pasok
sunog
lubos

Kung pakikinggan mo lang at hindi titingnan, magkatunog nga naman ang mga salitang nagtatapos sa BKDGPST. Basta iisang patinig (vowel) lang ang sinusundan.

Mga estudyante ko sa Ikaapat na Taon ang gumawa ng paraan para madali itong maalala. Sabi nila: baka, daga, pusit. BKDGPST. Puwede nga naman.

4) Tugmang Katinig na LMNNGRWY.

Halimbawa:

kapangyarihan
nasasaklaw
ninuman
lamang

mananalamin
pakendeng-kendeng
marahil
tikim

balon
bagoong
baul
likom

Para madaling matandaan, isipin mo lang: laman ng waray.

Pansinin na magkatugma ang 'manalamin' at 'pakendeng-kendeng', kahit 'i' at 'e' ang huling patinig.
Ganoon din ang 'bagoong' at 'baul' kahit na 'o' at 'u' ang huling patinig.
Magkagrupo kasi ang mga patinig na ito. At kung naaalala mo pa ang baybayin o alibata, iisang patinig lang ang i/e. Ganoon din ang o/u.

Kung gagawin nating pormula, puwede mong isiping ganito.

Para maging tugma ang 2 salita,
kumuha ng isa rito: A, E/I, O/U
at isa rito: walang dagdag, may impit, bakadagapusit, o lamanngwaray.
Tugma na iyon.

Salamat sa pakikinig/pagbabasa.
At sana mapagtugma mo lahat ng nasabi rito.
Para rin maging isa ka sa mga nakaaalam
kung paano tumugma ang mga Pilipino.